Tuesday, August 2, 2011

Sa Kahon


Ni Arturo dela Corta

Noong bata pa ako, pangarap kong maging engineer. At kung paanong ang lahat marahil ay nagagawang magbalik-tanaw ng mga araw sa pagkabata sa pamamagitan ng pagtingin sa mga lumang pictures o kaya ay paghalungkat ng mga inaalikabok nang diary, mas madalas kong magunita ang mga alaala at pangarap sa aking pakabata sa tulong ng mga karton.

Oo, karton. Yung tipong mga kahon na ginamit na lagayan ng kung anu-anong mga bagay na nabibili sa malalaking tindahan na may tatak pa ng noodles, sigarilyo, biskwit, at kahit katol o panty. Yung mga kahon kasi na iyon ay nagsisilbing multipurpose material sa aming barung-barong.

“O anak, may pasalubong ako sa iyo!” Si nanay iyon minsang umuwi siya galing sa palengke.

Nagsusulat ako noon sa mga kahoy na dingding ng aming bahay gamit ang chalk na galing sa sirang figurine na nakapatong sa cake ng aming kapitbahay minsang nag-birthday siya. Excited akong tumingala at tiningnan ang pasalubong na sinasabi ni nanay. Nakita kong hawak niya ang isang kahon na noo’y may tatak pa ng Lucky Me! Nakangiti sa akin si nanay.

“Wow! May bago na akong karton,” bulalas ko.

Tuwang-tuwa akong inabot ang kahon. Dali-dali kong tinungo ang isang gilid ng aming bahay na binabahagi ng mga kurtina para sa kwarto, sala at kusina. Tinungo ko ang kwarto ko na kwarto din naming lahat. Abot-tainga ang aking ngiti na kinuha ko ang lumang kahong pinaglalagyan ko ng aking mga damit. Sa wakas, mapapalitan ko na rin ang sira-sirang kartong nagsisilbing aking damitan. Naalala ko, birthday ko pala noon.

Minsan din isang gabi, habang namamaluktot ako sa ginaw sanhi ng malakas na ulan, nagising ako sa tunog ng mga pukpok sa aming kahoy na dingding. Si nanay pala iyon, gaya ng madalas, nagkukumpuni ng aming dingding. Stay-in kasi ang tatay ko sa trabaho kaya si nanay ang nasanay na tagakumpuni ng bahay.

“Anong ginagawa mo nay?” Kinukuskos ko pa ang mimumuta kong mga mata habang nagtatanong.

“Tinatakpan ko yung mga butas para hindi pumasok yung hangin, anak. Maginaw kasi, e,” sabay turo ng kartong nakalapat sa sahig na waring sinasabi niyang, “Pakiabot anak.” Iniabot ko kay nanay yung karton. Sinuklian niya ako ng kanyang matamis na ngiti. Ngumiti lang din ako at pinagmasdan ang kanyang ginagawa.

“Paglaki mo anak, sana maging engineer ka para ikaw na ang mag-aayos ng bahay natin”, sabi ni nanay habang inilalapat ang maga karton sa dingding gamit ang mga pako at martilyo.

“Ano po yung engineer nay?” Nahirapan pa akong bigkasin ang salitang noon ko lang narinig sa nanay.

“Ang engineer ay iyong gumagawa ng mga malalaking bahay, anak”, sagot ni nanay habang patuloy na ipinapako ang karton sa dingding.

“Malaking bahay po ba? E karton din ba ang ginagamit niya paggawa ng bahay?” tanong ko.

Isang malakas na tawa ang tugon na narinig ko kay nanay. Ang tawang iyon na rin ang tumakip sa nakakatakot na tunog ng malakas na hangin at nagpainit ng maginaw na gabi sanhi ng bagyo. Lumipas ang gabing iyon na nananatili sa aking isip ang pangangarap na maging engineer gaya ng sinabi ni nanay, kasama ang pag-iisip na balang araw, maraming kahon ang aking gagamitin sa paggawa ng aking magiging malaking bahay.

Sinabi ng nanay sa akin na para daw maabot ang aking mga pangarap, kailangan kong mag-aral. Noon hindi ko pa naiintindihan ang kaugnayan ng pag-aaral sa pangarap mong maging paglaki. Basta ang alam ko ay papasok ka sa paaralan, magsusulat, at hihingi ng baon sa nanay.

Noong unang araw ko sa elementary, gaya ng maraming batang unang beses na tumungtong sa paaralan, hindi ako mapalagay. Marahil masyado akong nabigla sa laki ng eskwelahan at sa dami ng mga bata. Habang pinagmamasdan ko ang mga makukulit na estudyante na silang magiging kaklase ko at sinasamyo ang kakaibang “amoy pambura” na natural sa mga batang elementary, may isang matandang babae na nakasalamin na may dalang mahabang kawayang pamalo at parang hindi marunong ngumiti and pumasok sa aming room. Isa-isa niya kaming tiningnan at binati ng “Good Morning children!” sa pinakamasagwang paraang marinig ko. Sabay-sabay naman kaming sumagot ng “Gooood Moooorning Teacher!” na parang nagpapahabaan ng letrang “o”.

Nagpakilala ang teacher sa amin. Sa tuwing may sasabihin naman siya ay itinutuktok niya ang pamalong hawak sa blackboard na tila nagbabanta na ang sinumang hindi makinig ay papaluin. May kung anu-ano siyang pinakopyang mga kailangan sa school tulad ng manila paper, basahan at floor wax, brown envelopes at cartolina. Noong mag-uuwian na ay isa-isang nag-tsek ng papel si mam. Saktong hindi ako nagsulat dahil nakasanayan ko nang sa unang araw ng pasok na hindi magdala ng gamit dahil nga madalas, ilang linggo muna ang lilipas bago makumpleto ni nanay ang gamit namin magkakapatid sa school.

“Bakit wala kang isinulat? Nasan ang papel mo?” tanong ni mam.

“Wala pa po akong gamit mam,” hiyang-hiya kong isinagot.

“A ganun ba. Sige, sabihin mo sa nanay mo, bilhan ka na ng mga gamit para may mapagsulatan ka na iho.” Malumanay at may halong pagkamaalalahanin niyang sinabi. Bagamat sa unang impresyon ay inakala kong mangangain ng estudyante si mam, bigla akong nabunutan ng tinik nang malaman kong mabait naman pala siya.

Nang lumaon, nakakilala ako ng iba pang uri ng mga guro. Mayroon tila bahagi na talaga ng propesyon ang pananakot ng estudyante kaya tinatawag na terror. Merong masisipag at meron din namang tila may ibang gustong pagkaabalahan gaya ng pagtitinda ng longganisang hulugan.

Sa maraming ulit na pumasok ako sa paaralan, nasaksihan ko ang hirap ng buhay ng isang guro – siya sa gitna ng napakaraming makukulit na estudyante, sa pagitan ng tambak-tambak na lesson plan, grading sheets at exam, sa ilalim ng nagpapataasang mga head teachers at higit sa lahat sa likod ng sarili niyang problema sa pamilya.

Tiniyak ko sa aking sarili na kailanman hindi ko pipiliing maging guro pagtanda.

Bunsod na rin ng karunungang nakamit mula sa pag-aaral, nalaman ko na ang paggawa ng bahay ay hindi ginagamitan ng karton. Lalong higit, alam ko na na ang pagiging engineer na pangarap ko noong bata ay hindi ko mararating. Factory worker lang ang tatay, at ang kanyang kinikita ay sapat lang para sa aming pangaraw-araw na gastusin, at kung minsan nga’y kinukulang pa. Kahit na alam kong hindi ako magiging engineer pa, pinangarap ko pa ring mag-aral nang kolehiyo.

Umpisa pa lang, ipinaunawa na sa akin ng nanay at tatay na hindi nila kakayanin ang pag-aralin kami ng kolehiyo. Sa umpisa parang napakahirap tanggapin na nilalayuan ka ng mga pangarap mo. Hanggang sa isipin mo na lang na huwag na itong abutin. Kunsabagay, hindi lang naman ako ang mawawalan ng pangarap. Madami nga akong kaibigang tambay na wala namang trabaho pero nakabibilib na laging may bagong damit o kaya’y bagong cellphone. Minsan naiisip kong gayahin na lang sila, pero hindi ko alam kung paano nila nagagawang makabili ng bagong gamit gayong wala naman silang pinagkakakitaan.

Sinikap kong makahanap ng trabaho pagkatapos ng high-school. Hindi rin naman ako nabigo. Matapos ang matiyagang paghahanap, nakakita ako ng trabaho. Natanggap akong janitor sa isang maliit na kompanya. Nang matanggap ko ang aking unang suweldo, nanumbalik sa akin ang pagnanasang makapagtapos ng kolehiyo.

Pero dahil nga sa maliit lang aking sahod, hindi ko kakayanin ang mag-aral ng kursong engineering sa college. Bukod sa mataas ang matrikula, walang malapit na unibersidad na merong kursong ganito.

Mabuti na lamang at mayroong isang maliit na kolehiyo na malapit sa aming lugar na bagamat walang kursong engineering ay mura lang ang matrikula at marami rin namang mapagpipilian.

“Naku iho, gusto mo palang maging engineer! Paano yan, wala naman tayong engineering dito?” tanong sa akin ng isang propesor na nag-interview sa akin.

“Napag-desisyunan ko na po na kumuha na lang sa halip ng kursong computer technology,” sagot ko.

“Naku! Sarado na ang tanggapan para sa kursong iyon dahil limitado lang ang bilang ng ating mga computer at propesor, kaya limitado lang din ang estudyante.”

“E, anong kurso pa ho ba ang maari kong mapasukan?” tanong ko na may halong panghihinayang..

“Education iho. Elementary o kaya ay secondary education. Mamili ka.”

Kung alin pa ang pinaka-iiwasan kong kurso iyon pa ‘ata ang lumalapit sa akin. Alinman sa dalawa ay hindi ko gusto. Pero ayaw ko rin namang hindi mag-aral. Ipinangako ko sa sarili na puputulin ko ang kahirapan sa aming pamilya. Ito ang mismong dahilan kung bakit ako nagsisikap magtrabaho at mag-aral.

Nakatingin sa akin ang may-edad nang propesor, ang mga mata niya’y nakadilat na tila naghihintay ng aking sagot. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang mga salita pero bigla kong naisagot na, “Elementary education na lang ho mam!”

Hindi rin madali ang naging pag-aaral ko, bukod sa hindi ko naman talaga gusto ang pagiging teacher, nagtatrabaho ako habang nag-aaral. Mahirap pagsabayin ang dalawa.

Minsan sa OJT, naging bahagi ng aking lesson bilang motivation ang tungkol sa mga pangarap ng mga estudyante. Pinagdala ko sila ng kahit anong bagay na maaring sumimbolo sa kanilang mga pangarap.

May nagdala ng laruang stethoscope dahil gusto daw niyang maging duktor. Meron namang nagdala ng baril-barilan dahil gusto niyang maging pulis na sa una inakala kong holdper ang pangarap niya. Bibliya naman ang ipinakita ng isang gusto raw maging pari. May isang estudyante ang marahil hindi naintindihan ang aking instruction na nagdala ng krayola sabay sabing akala daw niya ay magdodrowing-drowing kami.

Sa bandang dulo ng upuan ay may isang batang lalaki ang napansin kong hindi masyadong sumasali sa usapan. Nang siya naman ang magsasalita, nagtawanan ang mga kaklase niya nang ipakita nito ang isang may kalakihang kahon.

Naririnig ko ang halakhakan ng mga bata na wari nagtataka kung anong pangarap ang sinisimbulo ng mga kahon.

Tahimik naman ang batang lalaki na nakatingin sa akin at tila naghihintay ng pagkakataong magsalita.

Pinatahimik ko ang klase at nang humupa ang ingay, ako na mismo ang nagtanong sa batang lalaking nakatayo, “Iho, bakit karton ang dinala mo? Ano ba ang pangarap mo paglaki?

Nakita ko ang ningning sa mga mata ng bata na tila natuwang marinig na interesado ang kanyang guro na marining siya, at kanyang isinagot, “Engineer po, yung gumagawa ng mga bahay.”

Lalong nagtawanan ang mga bata, marahil sa pagtataka sa kung ano ang maaring kinalaman ng karton sa pagiging engineer bilang pangarap. Habang nalulunod ang aking gunita sa maingay na tawanan ng mga bata, walang dudang naiintindihan ko ang kaugnayan ng kahon sa pangarap ng batang iyon.

Noong mga oras ding iyon, tila nagbago ang direksyon ng mga pananaw ko sa buhay. Nagkaroon ng kahulugan sa akin ang pagiging isang teacher. Nagkaroon ng halaga sa akin ang aking tungkulin na maglaan para sa batang iyon, gaya ng lahat ng mga naroroon, ng inspirasyon para ang pangarap niya ay kanyang matupad.

Hindi man ako magiging engineer na bumubuo ng malalaking bahay gaya ng pinangarap ko noong bata, nababatid kong sa propesyong ito, maraming pangarap ang matutulungan kong buuhin.

Saturday, April 2, 2011

Delight in the Truth Always


Dear brothers,

“...those who do what is true come to the light in order that the light may show that what they did was in obedience to God.” John 3. 21

Masaya kong inaalala ang nakalipas na isang taon noong hinuhubog pa lamang sa aming mga isipan ang ating kapatiran . Walong buwan naman ang nakalilipas mula nang walo din tayong sabay-sabay na tumanggap ng pagsasabuhay ng pag-ibig sa pamamagitan ng kapatiran. Pito nga sa atin ang nanatili at sama-samang nakibahagi sa ilang mahahalagang kaganapan sa ating parokya.

Ngayong Kuwaresma, ang panahon ng pagninilay sa dakilang pag-ibig ng Diyos, at sa ating pagnanais na isabuhay ang pag-ibig na ito, inaanyayahan ko kayo sa pagninilay sa isa sa pinakamatibay na tanda ng pagsasabuhay ng pagmamahal – ang pagkiling sa katotohanan.

Ang kasalukuyang mundo ay nagdudulot sa atin ng napakaraming pinagmumulan ng impormasyon tulad ng radyo, TV, babasahin at internet. Napakahirap kadalasan malaman kung alin ang totoo at alin ang hindi. May ilan ang di maikakailang nadadala ng mga impormasyong ito at napaniniwala. Mas lalong nakababagabag, malinaw nating nakikita ang hayagang pagkiling at pagsasaya ng mundong ito sa mga bagay na hubad sa katotohanan.

Bilang kabataang nagpasyang kilalanin at sundan si Kristo sa pamamagitan ng pagkakapatiran, tayo ay nangakong papanig sa katotohan sa anumang oras at pagkakataon. Sa unang tingin tila bang napakahirap gawin, subalit nagiging madali kung lubos nating nauunawaan ang tunay na kabuluhan ng katotohanan.

Sinabi ni Jesus, “If you obey my teaching, you are really my disciples. You will know the truth and the truth will set you free” (Jn 8.31b). Binigyan ng batayan ng Panginoon ang pagiging tagasunod niya - pagtupad sa kanyang mga itinuro na nagbubunsod naman ng pagkilala sa katotohanan – isang katotohanang nagpapalaya. Makikita natin ang kabalintunaan sa pahayag na ito, pagsunod at paglaya. Ang pagsunod ay karaniwang nauukol sa mga batas na madalas ay naituturing na mapaniil o pumipigil sa iyong kalayaang gawin ang iyong gusto. Magtatanong tayo: paanong madudulot ng kalayaan ang pagsunod kay Jesus kung ito ay mangangahulugan ng pagpigil sa iyong kalayaang gawin ang iyong gusto?

Sa pagsisikap nating magnilay, makikita natin ang ugnayan ng pagtupad sa kalooban ng Ama na siyang sentro ng mga aral ni Kristo at siyang maghahatid sa atin sa kaharian ng Diyos. Ang kahariang ito ay ang siyang kinatatampukan ng kagalakan, kapayapaan at katarungan. Ang tatlong bagay na ito ay ating nararanasan sa tuwing namumuhay tayo sa katotohanan. Katotohanan na nagbubunsod sa atin na makagawa ng kabutihan at siya ring naghahatid ng tunay na kalayaan: kalayaan sa pagkalugami, pagkabagabag at pagkamakasarili. Ang kalayaang tinukoy ni Jesus ay hindi sa paggawa ng gusto lang kundi ang pagtupad sa kalooban ng Ama at ang pag-asa sa kaharian niya – kung magkagayon ang katotohanang ating tinanggap ay siya ngang nagpapalaya sa atin!

Sa ating pangaraw-araw na buhay, hinihimok tayong mamuhay sa katotohanan hindi upang kamtin ang kalayaang gawin ang mali bagkus ay ang kalayaang piliin ang wasto. Narito ang ilang mga pagkakataong maaring maisauhay ang katotohanan bilang magkakapatid:

1. Pagsasaalang-alang ng katotohanan sa lahat ng antas ng pakikipag-ugnayan: di pagkiling sa mga walang batayang impormasyon, at pagtupad sa mga salitang binitiwan o pangako. Kung maaalala natin sa ating Alituntunin, Article III Section 10 ay nababasa ang ating Code of honor. I will speak the truth at all times and forever keep my word.

2. Matapang subalit mahinahong pagpapahayag ng katotohanan kahit na ito ay itinuturing na “inconvenient” para sa iba.

3. Maka-Kristiyanong pagwawasto sa isang nagkakamaling kapatid at pagtulong sa kanya na iwasan ang maari pang paggawa ng mali at ang may kababaang loob na pagtanggap sa pagtatama kapalit man nito ay ang pag-iwas sa mga nakasanayan.

4. Masigasig at mapamaraang pagtuklas sa katotohanan bago gumawa ng anumang desisyon;

5. Paggawa nang mabuting bagay sa harap ng mga pangungutya;

Sa isang banda, may mga pagkakataon na minsan ay nakalilimutan o kaya sadyang hindi natin naisasabuhay ang katotohanan. May pagkakataon ding gumagawa tao ng mabuti sa maling pag-aasam na matatakpan nito ang ating mga pagkakamaling nagawa, mga pagkakataong nabubuhay tayo sa maling pagkakilala sa katotohanan, ilan sa mga ito ay ang sumusunod:

1. Tuwirang pagtatakwil sa katotohanan: pagsisinungaling; paniniwala sa impormasyong hindi natitiyak kung totoo; hindi pagtupad sa salitang binitiwan, padalus-dalos na pagpapasya atbp.

2. Pakikilahok sa mga pagdiriwang o pagsisimba at pakikisa sa mga gawaing pansimbahan dahil nakasanayan na o dahil nakikitang ginagawa ng iba subalit walang personal na pakikipag-ugnayan sa Panginoon at walang tunay na pagbabagong buhay.

3. Holier than thou attitude”, ang labis na pagpapakita ng debosyong isinasantabi ang kapakanan ng ibang bagay o tao o kaya pagturing sa sariling pananampalataya bilang “superior” sa iba;

4. Sunday Christianity” o ang paglalaan ng isang araw sa Panginoon at paglimot sa kanya sa iba pang mga araw.

Ang pagsasabuhay ng pag-ibig ay nangangahulugan ng pagkiling sa katotohanan. Pinaalalahanan tayo ni San Pablo na tiyaking “maging tunay ang ating pagmamahal” [Rm 12.9] Ang nagsasabuhay naman ng katotohanan ay namumuhay sa liwanag. Ang liwanag na ito ang nagpapakita na ang isang gawain ay sang-ayon sa kalooban ng Ama.

Sa mundong nagsasaya sa kasinungalan, ang paggawa ng mabuti ay hindi dapat ikahiya. At ang nagsasabuhay ng kabutihan ay hindi dapat tahasang sumasang-ayon lang sa mga gawi ng mundo. Kailanman ay hindi maaring lumakad kasabay ang Panginoon habang hawak ang kamay ng diyablo. Tayo ay nagnanasang maging kapatid ni Kristo at batid nating para kay Jesus ang sumusunod sa kalooban ng Ama ang kanyang kapatid [Mt 12.50]. Maari tayong magsimula sa pagpanig at pamumuhay sa katotohan, at magalak tayong isabuhay ito.

Sa huli, ipinaaalala sa atin ng Banal na Kasulatan na ang katotohanan ay matatagpuan natin sa ating Panginoon na siyang daan, katotohanan at buhay [Jn 14.6]. Mauunawaan natin ang kanyang katotohanan kung mayroon tayong malalim na pagkilala sa kanya at makakamit natin iyon sa tulong ng biyaya ng Panginoon din mismo na siyang ilaw ng sanlibutan [Jn 8. 12] at ng ating pagsisikap na tunghayan siya sa kasulatan at sa buhay na Tradisyon ng ating simbahan. Sa ganitong paraan, magagawa nating tuluyang lumakad sa liwanag at itakwil ang kadiliman.

Kaisa ninyo ako sa pagninilay sa dakilang pag-ibig ng Ama na nagdudulot ng mapagpalayang katotohanan at pag-asa sa isang panibagong buhay dulot ng kanyang muling pagkabuhay!

Your brother in Christ,

DEXTER C. TIRO

Ad Iesum per Mariam

April 1, 2011

Ina ng Laging Saklolo Parish, Diocese of Novaliches