Monday, May 7, 2012

Kapistahan ni Kristo, ang Mabuting Pastol


“At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa.”
                                                 Juan 10.15b


Mga kuya kay Kristo,

Pagbati ng kapayapaan ng Panginoong muling nabuhay! Aleluya!

Sa simula pa ng kapatiran, batid nating ang ating layuning magsabuhay ng Mabuting Balita ay layunin ng lahat ng binyagang Kristiyano, subalit inaasam natin na sa pamamagitan ng  kapatirang ito, at sa tulong ng biyaya ng Diyos, magawa nating “seryosohin” ang ating mga pangako sa binyag. 

Subalit tayo mismo ay naghahangad ng isang mabuting modelo na paggagayahan ng buhay na nakalulugod sa Diyos. Madalas, bigo naman tayo sa mga taong inaakala nating mabuting halimbawa.  May mga taong inaakala nating makapagpapalapit sa atin sa Diyos, pero sila pang dahilan ng ating pagtalikod. Minsan din, tayo pa ang nagiging dahilan ng pagkaligaw ng iba.  Bilang BC, inako natin ang isang pagsasabuhay para sa iba. Inako din natin ang maging “pastol” para sa isa’t isa. Pero tayo ngayon ay tinitimbang, at napatunayang nagkukulang, at naghahangad ng isang matibay na pastol.

Mga kuya, ang kasagutan sa ating paghahangad ay si Hesus! Si Hesus ang ating Mabuting Pastol!

Sa ebanghelyo, iminulat tayo ni Hesus sa tanda ng isang di mabuting pastol – yaong tumatakas sa pagdating ng asong gubat, walang malasakit sapagkat upahan lamang! Sa mga nagdaang araw, marami sa atin ang tila nagpakita ng ganyang katangian: iniwan ang kapatid, di nagpakita ng malasakit, nakalimot sa pangako!

Taliwas ito sa ipinamalas ni Kristo: “At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa.” Kung paanong ninais natin ang sarap para sa sarili, tinanggap ni Hesus ang hirap para sa iba. Kung paanong inasam natin ang talikdan ang kapwa, niyakap ni Hesus ang kanyang kamatayan para sa kanyang mga tupa.  Sa ganitong, kabalintunaan, nasaan ang Kapatid ni Kristo sa atin?

Mga kuya, ipinakikiusap ko, manatili tayo sa pag-ibig ni Kristo, manatili tayo sa ating pagsasabuhay. Ipinakikiusap ko ito hindi para sa akin, kundi alang-alang sa Panginoon. Ang pagtalikod sa pangako sa kapatiran ay pagtalikod kay Kristo.  Kung kaya ipagpatuloy natin ang ating nasimulan, palaguin pa natin ang ating pananampalataya at humikayat ng marami pang kapatid.

Sa halip na magsipagpulasan tayong lahat sa harap ng mga pagsubok, tularan natin ang katapatan at malasakit ng Panginoon, at kung maari’y mag-alay ng buhay para sa kapwa.

Maaaring ang “buhay” ay katumbas ng oras, pagdamay, panalangin, pagkalinga, pakikinig, mabuting pananalita at marami pang iba.

Alalahanin rin nating ang huling lugar na maari tayong magtagpo ay ang ating mga puso. Ang huling usapin na maari nating maging agenda ay ang pananalangin para sa isa’t isa. Kung pati ang mga ito ay mawawala pa, pinatunayan lamang nating tayo ay mga “upahan” – di tapat, walang malasakit at tumatakas!

Hiling ko na itago natin ang bawat isa sa ating mga puso, di man madalas magkita’y hindi nagkakalimutan, at sa tuwing maaalala ang kapatid ay maipapanalangin siya.

Pansamantala, sa ating pagkakawalay, ipinakiusap ko ang kapatiran kay kuya Darwin. May mga gawain siyang ipakikilala sa inyo. Tanggapin nyo nawa ang kanyang pakikisuyo tulad ng pagtanggap nyo sa akin.

Inaalala ko ang dalawang kapatid sa kanilang kaarawan: kuya Archie, April 19 at kuya Santi, May 18. Binabati ko rin naman ang mga kuyang nagtapos sa pag-aaral. Ipinapanalangin ko ang inyong susunod na hakbang sa buhay, sa kolehiyo man o sa trabaho.  Gayundin ang mga kuyang nanggaling sa Mariapolis nitong nakaraang linggo. Nawa’y maibahagi rin nila ang kanilang karanasan sa ibang kapatid.

Inihahabilin ko ang ating kapatiran kay Kristo, at kay Maria, Ina ng Laging Saklolo.


Kuya Dexter C. Tiro

Cathedral-Shrine & Parish of the Good Shepherd
Kapistahan ni Kristo, ang Mabuting Pastol